Wednesday, August 8, 2007

di na naman makatulog

Tahimik na ang lahat. Tulog na karamihan, kung hindi man lahat ng kasama ko sa bahay. Parang ang hirap isipin na ang mga taong ito na ngayo'y mga nakahilata at malamang ay nananaginip ay kai-kainaman ang ingay at kwentuhan kani-kanina lng.

Nakakatuwang isipin na sa gitna ng pamomroblema sa binabaha naming tutulugan ay nakuha pa rin naming magtawanan ng animo'y walang nangyari. Ang ganda pa nga ng pinag-uusapan namin eh, yung mga laro at mga laruan nung mga bata pa kami. Trip down memory lane, 'ika nga ng iba. Sari-sari ang mga kwento, mula sa Chinese garter at 10-20 hanggang sa patintero, tapos biglang isisingit ang kaadikan sa pangongolekta ng mga lastiko, teks, at ang dating pauso ng Coke na Pog. Kayo, tanda nyo pa din ang mga yun?

Ang sarap maging bata ulit no? Yung wala ka iniintinding review, di mo pinoproblema kng ano integral ng mga sine at cosine, yung wala kang pakialam kung pano nagana ang TV, na basta napapanood mo ang paborito mong cartoons eh ayos ka na. Tapos asa bahay ka pa at asikasong-asikaso ng nanay mo, di mo pinoproblema na hindi kayo makabili ng mga kasama mo ng bigas na isasaing kasi malakas ang ulan. Hehe. Buhay talaga.

Bakit nga ga ganito ang takbo ng isip ko ngayon? Ibang-iba sa karaniwan, at Tagalog na Tagalog pa ang sinusulat ko. Siguro dala lang ng panahon. Malakas na naman ang ulan at rinig na rinig ang pagpatak nito sa bubong. Kung tutuusin, masarap pakinggan. Tapos medyo malamig pa kesa sa dati.

Yun nga laang, kagaya ng nabanggit ko kanina eh binabaha ang tutulugan namin. Tumatagas kasi ung tubig galing sa rooftop kaya kami tuloy ang napupurhisyo kasi kami ang nasa 5th floor. Nasabi na namin to ke Mang Jun dati, eh ang sabi lang nya eh obserbahan na muna daw namin. Asus, eh ano pang pag-oobserba ang gusto nya kaganitong nabasa na yung kutson ni swe. Kagulo tuloy kami kung pano at saan matutulog kaming anim. Ang kinatapusan eh andun si Glen sa me pinto, tas nakahilera kaming lima ng pabalagbag sa tatlong natirang kutson. Medyo nabasa din yung comforter ni Von kaya nakasabit ngayon sa sampayan ng mga tuwalya dito sa ibabaw ko. Pag bumigay ang sampayan sa bigat nun eh iyak na lang ako. Hehe.

Nga pala, feeling close kami ngayon dun sa mga taga-4A. Kasi kagabi eh nag-inuman sila dun sa rooftop eh nagkataong dun nag-aaral sina Mamond, John at Khiloh. Sa lagay eh pina-shot sila nung mga babae [lakas!] tapos dangan namang luko si Khiloh eh pinababa pa dito yung isa [si MJ] para painumin pati kami. Di inom nga naman kami. Kaya ayun. Tas napagalitan pa sila ni Mang Jun kasi pinainom nila kami eh si Khiloh eh namula, eh sadya namang siyang ganun pag nakakainom. At akalain mo, binigyan pa kami ng pansit kaninang umaga bilang "peace offering" dahil sa nangyari nung gabi. Tas ngayong gabi eh dun sa kanila pa kami nagpaload, niloadan naman kami kahit tinext lang namin at sa umaga na ang bayad. O di ba, ang saya? Friends na kami. Hehe.

Nga pala, dahil din dun sa inumang yun eh nasugatan pa si Mamond sa ulo. Masakit daw kasi ang tiyan niya nun time na yun eh, kaya nun lalapitan na para painumin eh nagtago dun sa me tangke. Malas nga lang at nauntog. Ang lala nga eh, pinatahi pa, kaya ngayon eh para siyang si Hello Kitty na me ribbon sa me noo. Hehe.

Kanina nga pala nung tigil pa ang ulan eh tinesting ko kung nagana nga yung GPS receiver ng phone ko. Bano ako, nagana nga. Hehe. Di pa nga lang ganun kadetalyado yung mapa ng Manila at merong mali dun sa linya ng LRT. Pero nakuha naman ng tama yung location ko.

Kahapon naman ng madaling araw, nung me regular load pa ko eh tinesting ko naman mag-browse ng Internet gamit yung 3G. Ayos naman nga, medyo mas mabilis nga kesa kapag GPRS ang gamit. Di ko pa nata-try mag-video call kasi wala naman akong maisip na matawagan. Ayun, nakatext ko pinsan ko knina, sabi tawagan daw nya ko minsan.

Haay. Lampas alas dos na. Di pa ko inaantok pero kailangan na talaga matulog. Me Virtual Reviewer pa naman ako ng 11:30 bago yung mismong klase. Tsk. Bahala na si Batman sa kin mamaya.

0 comments, suggestions, violent reactions?: